Patay na at walang saplot nang makita ang bangkay ng isang babaeng pitong-taong-gulang sa bakanteng lote sa Torrijos, Marinduque.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay ng bata noong Sabado ng umaga.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpaalam umano ang bata sa kanilang mga magulang na manonood ng basketball noong Biyernes.

Pero hindi raw ito nakauwi ng kanilang bahay kinagabihan. Gayunman, hindi kaagad nag-alala ang kaniyang mga magulang dahil sa pag-aakalang nasa kamag-anak lang siya.

"Wala nang saplot, hubo't hubad siya. Matapos yung kaniyang suot, nakapulupot sa leeg yung kaniyang damit, 'yon ang pinangpatay sa kaniya," ayon kay Police Lieutenant Van Constancio, hepe ng Torrijos Police.

Batay sa pagsusuri ng duktor, sinabi ni Constancio na ang pagsakal ang ikinamatay ng biktima at positibo ring hinalay ang bata.

Ayon pa Constancio, galing sa ibang bayan ang mga magulang ng bata ay sanay silang nanonood ng basketball ang kanilang anak.

"Mayroon kasing palaro, ang anak na ito ang alam natutulog sa pinsan kaya kompiyansa sila. Pero naghanap din ang mga magulang hanggang alas 12 kaso umulan kaya tumigil na, ipinagpabukas. Nang magreport nga sila umaga kasi nga inisip nila baka nandun sa pinsan," patuloy ng opisyal.

Kinahapunan nang Sabado, sumuko sa pulisya ang suspek sa karumaldumal na krimen.

Lumilitaw na residente rin sa barangay ang suspek at kakilala ng biktima.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang nagawang krimen. Lasing daw ito at pauwi na nang makasalubong niya ang biktima na mag-isang naglalakad.

Kinuha umano niya ang bata at dinala sa bakanteng lote at doon isinagawa ang karumal-dumal na krimen.

Noong nakaraang linggo lang, isang bata rin na limang taong gulang sa Batangas City ang hinalay at pinatay ng kaniyang kapitbahay.

Sinusubukan pa na makuha ang panig ng kaanak ng biktima, at ang suspek na mahaharap sa kasong rape with homicide, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News