Binalaan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait ang mga overseas Filipino workers doon na mag-ingat laban sa pekeng Facebook page na nagpapanggap na kanilang official FB account.

Ang naturang pekeng FB page ay may pangalan na "POLO KUWAIT OFFICIAL."

"Ipinapaalala sa publiko na ang Facebook page na 'POLO KUWAIT OFFICIAL' ay HINDI OPISYAL na Facebook Page ng 'POLO Kuwait' at hindi pinahihintulutan ang mga ipino-post nito," saad sa pahayag ng tunay na POLO Kuwait.

Babala ng POLO Kuwait, ginagamit umano ng mga mapagsamantalang tao ang naturang fake account para mangloko at makakuha ng pera sa mabibiktima.

"Ang lahat ng mga lumalabas sa nasabing Facebook page na ito, pag Add to friend at message na personal na inyong natanggap mula sa 'POLO KUWAIT OFFICIAL' ??ito ay panloloko at pamemera ng mga kawatan," babala pa ng POLO.

Humingi rin ng tulong sa publiko ang POLO Kuwait para malaman kung sino ang nasa likod ng pekeng Facebook page.

"Ang mga may alam sa mga administrator ng nasabing Facebook page ay pinapakiusapang magreport lamang sa POLO. Maaari niyo din ireport ang account na ito para sa agarang action," saad nito. —FRJ, GMA News