Natagpuang patay, nakapulupot sa leeg ang kable ng charger at posibleng ginahasa pa ang isang ginang ng kaniyang dating nobyo sa San Miguel, Bulacan. Ang pagpaslang, nasaksihan ng 10-anyos na anak ng biktima.

Sa ulat ng "Saksi" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Regine Sebastian, 30-anyos, isang single mom at negosyante.

Nagawa pang magdiwang ni Sebastian ng kaarawan ng kaniyang anak nitong Sabado, pero Linggo nang hapon nang matagpuan siyang patay sa loob ng kanilang kwarto.

Bukod sa nakapulupot sa leeg ang kable ng charger, puno rin ng pasa sa katawan ang biktima, nakadamit pero walang suot na underwear.

Nakita umano ng 10-anyos na anak ni Sebastian ang pagpaslang sa kaniyang ina.

"Nakita na lang po niya na sinasakal ng charger 'yung mommy niya, na papatayin niya. Kaya sabi niya 'Yung mommy ko takot na takot.' [Kailangan niya] ng help,'" sabi ni Jhen Sebastian, kapatid ng biktima.

Kinilala ang suspek na si Kerwin Cabigting, alyas "Pipoy," at dating nobyo ng biktima.

"Sa takot po ng bata, nagtulug-tulugan na lang po siya. Akala nga niya naglalaro lang daw, siyempre bata pa po 'yun, naglalaro lang daw 'yung mommy niya tsaka si Kerwin, Tito Pipoy ang tawag po niya," sabi ni Jhen.

Nakunan naman sa CCTV ang pagpasok ng suspek sa gate ng bahay ng biktima, at ang paglabas nito sa hinihinalang oras matapos niyang maisakatuparan ang pagpaslang.

Agad dinakip ng mga pulis si Sebastian, pero itinanggi niya ang mga alegasyon sa kaniya.

"[Nakuha] namin 'yung cellphone ng suspek at doon po namin nakita yung timeline ng mga chat nila, pictures. Kaya sa circumstances po ay siya lang po 'yung talagang suspek," sabi ni Police Colonel Jordan Santiago, hepe ng San Miguel Police.

Inaantabayanan pa ang resulta ng mga test para malaman kung hinalay ang biktima.

Isinasagawa rin ang imbestigasyon kung pinagnakawan ang biktima nang mawala ang kaniyang mga alahas na nagkakahalaga ng P350,000.

Mahaharap sa kasong murder ang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA News