Inihayag ng Bureau of Consular Affairs na pansamantalang itinigil ng Taiwan ang visa-free privilege para sa Pinoy.

Ayon sa Ministry of Foreign Affairs, ginawa ito habang nirerepaso nila ang prebilehiyo na ibibigay sa mga Filipinong nagtutungo sa kanilang lugar.

Bukod sa Pilipinas, suspendido rin ang visa-free entry ng mga mamamayan ng Chile, Dominican Republic, Israel, Japan, Republic of Korea, Nicaragua, Singapore, Malaysia, Thailand, Brunei, at Russia, batay sa abiso ng BOCA noong September 5.

Samantala, nakasaad naman na ipagpapatuloy ng Taiwan ang "visa waiver" para sa United States, Canada, Australia, New Zealand at ilan pang bansa na karamihan ay nasa Europe simula sa September 12.

Ayon kay Taiwan Foreign Ministry spokesperson Jeanette Ou, ang visa waivers para sa mga qualified Asian states ay pansamantala lang sinuspinde habang isinasagawa ang susunod na pagrepaso sa kanilang sistema.

"Most of the Asian countries haven’t been 'resumed' just yet, but I am sure it will be in our next round of considerations," pahayag ni Ou sa GMA News Online.

Sinabi rin ni Ou na pinapahalagahan ng Taiwan ang maganda nitong relasyon sa Pilipinas.

Nitong September 5, inihayag ng Taiwan na 54 sa orihinal na 66 na bansa na binigyan ng visa waivers, ang ipinagpatuloy ang pagbibigay ng naturang prebilehiyo. Sa 54 bansa, 37 dito ay European states, bukod pa sa US, Canada, Australia at New Zealand.

Taong 2017 nang ipatupad ng Taiwan visa waiver sa Pilipinas, na pinalawig noong July 31, 2022.—FRJ, GMA News