Tahimik na namumuhay ngayon sa Canada--kasama ang kaniyang pamilya-- ang isang Pinoy truck driver na dating professional basketball player na naglaro sa PBA.

Sa kuwento ni Nico Waje sa programang “Dapat Alam Mo!,” kinilala ang truck driver na si Tristan Perez, dating naglaro para sa koponan ng National University.

Kinalunan, sumabak na rin siya sa PBA noong 2016.

“Sino ba naman ang hindi tatanggi sa PBA di ba? Nandoon na eh, professional. Kumbaga ‘yon na ‘yung high level bilang isang basketball player,” ani Tristan.

Pero isang taon matapos makapasok sa PBA, kinailangan ni Tristan na umalis ng Pilipinas para samahan ang kaniyang pamilya at subukan ang bagong oportunidad sa Canada.

“One month kong pinag-isipan ‘yun eh. Nag-ask ako ng advice bago ako nagdesisyon. Ayaw kong magkalayo kami dahil bilang isang ama, masakit na lalaki sila na hindi mo sila nakikita. ‘Yon ‘yung inisip ko na i-sacrifice ko ang career ko para sa kanila,” kuwento niya.

Pero kung dati ay kailangan niyang mag-drive sa hardcourt upang mai-shoot ang bola, ngayon ay literal na nagda-drive si Tristan ng truck sa Canada.

Ang kaniyang maybahay, school bus naman ang minamaneho.

“Kami ‘yung nagme-maintain sa mga malalaking tank sa mga company dito. Maganda ang buhay dito kasi maraming work. Tulad nito nakakuha kami ng bahay, ng sasakyan, basta nagtatrabaho ka lang dito ng maayos,” saad pa ng dating PBA player.

Pero hindi pa rin daw tuluyang iniiwan ni Tristan ang basketball.

“Nakapag-basketball pa rin ako every weekend, still nandoon pa rin ang love ng basketball diba. Hindi na mawawala ‘yun,” pahayag niya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News