Patay na nang matagpuan at may nakapalupot na baging sa leeg ng isang 11-anyos na babae sa loob ng bakuran ng isang paaralan sa General Trias, Cavite.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Saksi nitong Miyerkules, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa masukal na bahagi ng paaralan.

May sugat sa mukha ang biktima, may nakapalupot na baging sa leeg at nakataas ang kaniyang damit.

Ang ina ng biktima, labis ang hinagpis sa sinapit ng kaniyang anak.

“Hindi naman hayop 'yung anak ko eh, ginanon lang, tao 'yon. Wala namang kasalanan sa kanila 'yon,” umiiyak na pahayag ng ginang.

Kuwento ng ginang, nasa Maynila siya at nagtatrabaho nang tumawag ang kaniyang asawa noong Linggo ng gabi dahil hindi pa umuuwi ang kanilang anak.

Nasa pila umano ng tricycle ang ama nang humingi ng pera ang biktima. Pero nakauwi na ng bahay ang ama pero wala pa rin ang kanilang anak.

Kinabukasan ng madaling araw, umuwi na ng Cavite ang ginang para magpatulong sa pulisya sa paghanap sa anak.

Hanggang sa nakita ang bangkay ng biktima sa loob ng bakuran ng paaralan na malapit lang sa kanilang bahay.

May person of interest na ang pulisya sa nangyaring krimen na kilala umano sa lugar.

Hinahanap na siya ng mga awtoridad matapos na tumakas umano.-- FRJ, GMA Integrated News