Nasawi ang isang mag-asawang Pinoy sa Perth, Australia dahil sa pagkalunod, ayon sa ulat ng Australian news site na 9 News. Ang dalawa, nag-renewal of vows sa kanilang pagsasama, ilang linggo pa lang ang nakararaan.

Nasa fishing expedition umano ang mag-asawa nang mangyari ang trahedya noong nakaraang linggo.

Nakasaad sa ulat na inarelerto ang mga pulis nang hindi makauwi ang mag-asawa. Nang puntahan ang lugar kung saan sila nagtungo, nakita ang sasakyan nila sa Herron Point Boat Ramp na wala ang kanilang mga gamit sa pangingisda.

Natagpuan ang kanilang katawan sa Peel Estuary, na 30 kilometro ang layo mula sa Mandurah sa Perth noong March 14, ayon sa hiwalay na ulat.

Bagaman walang foul play na pinaghihinalaan sa nangyari, patuloy ang imbestigasyon ng Western Australia Police.

Dalawang linggo pa lang ang nakalilipas nang mag-renewal of vows ang mag-asawa na 24 taon nang kasal.

Parehong isinilang at lumaki sa Pilipinas ang mag-asawa, na mula sa Abra si Leslie at mula naman sa Ilocos si Ballo, batay sa kani-kanilang Facebook page.

Ayon sa ulat, nasa pangangalaga ng kamag-anak at mga kaibigan ng mag-asawa ang naulila nilang anak. —FRJ, GMA Integrated News