Isang bangkay ng babae ang nadiskubreng nakasiksik sa loob ng refrigerator sa inuupahan nitong apartment sa Rodriguez, Rizal. Ang biktima, bago pa lang nangungupahan sa lugar, kasama ang isang lalaking live-in partner umano nito.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing 30-anyos ang biktima at nadiskubre ang kaniyang bangkay nitong Miyerkules sa loob ng refrigerator sa isang apartment na nasa Barangay San Jose.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, hinihintay ng nagpapaupa ang biktima para sa pirmahan ng kontrata dahil sa bago pa lang itong mangungupahan sa kaniya.

Huling nakausap umano ng may-ari ng apartment ang babae noong September 9, at may kasama itong lalaki na umano’y live-in partner ng biktima.

Ngunit nang hindi na makontak ng may-ari ng apartment ang babae, nagpasya siyang puntahan ang apartment, at doon ay may naamoy siyang masangsang at nilalangaw ang lugar kaya tumawag na siya sa mga awtoridad.

Nakita ang bangkay sa loob ng nakatumbang refrigerator, at nakabalot sa kumot.

Ayon sa pulisya, nangamoy umano ang bangkay dahil hindi na kinaya ng ref na palamigin ang katawan sa loob.

Lumilitaw na sinakal ang babae at isiniksik sa refrigerator ang katawan. May nakita ring lubid na hinihinalang ginamit sa krimen.

Ayon sa mga kapitbahay, nakita pang buhay ang babae noong umaga ng September 10 dahil may tinanggap itong delivery. Nang gabing iyon, may nadinig umanong kalabog ang mga kapitbahay, na maaaring ingay na dulot ng pagtumba ng refrigerator.

Itinuturing person of interest ng mga awtoridad ang lalaking kasama ng babae na hinahanap na ngayon.

Kaugnay nito, lumitaw na peke ang driver’s license na isinumite ng lalaki sa may-ari ng apartment. Inaalam naman kung peke rin ang nakuhang ID mula sa biktima. — Jean Mangaluz/FRJ GMA News