Nauwi sa trahedya ang pagresolba sana ng dalawang katutubo sa kanilang sigalot tungkol sa lupa nang malunod sila nang sumailalim sa ritwal na patagalan sa ilalim ng tubig sa Alabel, Sarangani.

Sa ulat ni John Consulta sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing hindi naresolba sa barangay ang sigalot ng dalawang katutubo tungkol sa lupa kaya idinaan na ito sa ritwal na tinatawag na “sulif,” o trial by ordeal.

Sa ritwal, nagpatagalan ang dalawa sa pagpigil sa kanilang hininga habang nakalubog sa ilog.

Tinatayang 12 minuto silang nakalubog sa tubig. Nang ideklara na “tabla” ang pagsubok, wala na silang malay nang iahon.

Sinubukan silang iligtas ng mga tao sa lugar at isinugod sa ospital pero bawian sila ng buhay kalaunan.

Batay sa pag-aaral, ang sulif ay pagpapakita ng paniniwala na ang kalikasan mismo—tubig o dagat— ang nagpapasya kung sino ang tunay na nagkasala.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya sa nangyaring insidente.

Sa isang pahayag, nakiramay ang presidente ng Sarangani IP Professionals Association na si Fulung Romy Martin, sa pamilya ng mga nasawi.

Aniya, parte ng tradisyon ang sulif ng mga katutubong Blaan upang resolbahin ang hindi pagkakaunawaan.

Nirerespeto umano nila ang tradisyon pero nawawalan ito ng kabuluhan kapag may napahamak.

Naniniwala siya na dapat umayon ang kultura sa batas.—FRJ GMA News