Patay sa pananambang sa Zamboanga City ang isang presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) sa Basilan kaninang umaga ng Huwebes. Mariing kinondena ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang krimen.

Sa isang pahayag, sinabi ni Hataman na galit at lungkot ang kaniyang nararamdaman sa pagkamatay ng biktima na kinilala niya na si Judge Joseph Wee Sit ng RTC Branch 2 sa Isabela City, Basilan.

“Kapag isang judge ang pinapaslang dahil sa kaniyang trabaho, hindi lang isang buhay ang kinikitil. Hinahamon din nito ang mismong sistema ng hustisya at ang kakayahan ng ating mga korte na gawin ang kanilang tungkulin nang walang takot,” saad ng gobernador.

Nanawagan si Hataman sa mga awtoridad na kumilos nang mabilis upang matukoy at madakip ang mga gumawa at nasa likod ng naturang krimen.

“Walang judge ang dapat mangamba para sa kaniyang buhay dahil lamang sa paggawa ng kaniyang tungkulin. At walang sinuman ang dapat magkaroon ng lakas ng loob na pumatay dahil iniisip niyang kaya niyang takasan ang hustisya,” dagdag ng gobernador.

Ayon sa Zamboanga City Police Office, pinagbabaril ang biktima habang nasa kaniyang sasakyan dakong 5:25 a.m. sa Tumaga Putik Road sa Barangay Tumaga sa Zamboanga City.

Kaagad umanong rumesponde ang mga awtoridad nang matanggap ang impormasyon tungkol sa nangyaring insidente.

Inabutan ang hukom na nasa loob ng kaniyang sasakyan at mabilis na isinugod sa ospital pero hindi na naisalba ang kaniyang buhay.

Kaagad namang nagsagawa ng case conference ang kapulisan at bubuuin ang isang Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan ang pagresolba sa krimen.

Kabilang sa mga sisilipin ng mga awtoridad bilang bahagi ng imbestigasyon ang mga kasong hawak ni Sit.

Pinakilos din ang lahat ng unit ng city police upang tugisin ang mga salarin.

"The ZCPO assures the public that this incident is being treated with utmost urgency and that all necessary lawful measures will be undertaken to bring those responsible to justice," ayon sa Zamboanga City Police Office.

"The public is encouraged to provide any information that may assist in the investigation through the nearest police station," dagdag nito. — FRJ GMA News