Patay ang isang miyembro ng Lupong Tagapamayapa ng Bulagao, Tuao, Cagayan, matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na suspek sa Barangay Centro, Tuao West sa Cagayan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, makikita sa video footage na nakaupo ang biktima sa nakaparadang tricycle sa gilid ng kalsada nang lumapit sa kaniya ang mga suspek na sakay ng maotorsiklo at pinagbabaril siya nang malapitan.

Kaagad na tumakas ang mga salarin matapos barilin ang biktima na sumubsob naman ang katawan sa loob ng tricycle.

Hinihikayat ng mga awtoridad ang mga may CCTV footage na makipag-ugnayan sa kanila para sa isinasagawang imbestigasyon.

Hindi pa naglalabas na pahayag ang pulisya kaugnay ng kaso, habang sinisikap namang makuhanan ng panig ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA News