Ipinamalas ng isang guro sa Tagum, Davao Del Norte ang kaniyang kabutihang-loob at pagmamalasakit sa kaniyang mga estudyanteng nangangailangan. Ang isang estudyanteng hindi na pumapasok dahil may sakit ang ina, binigyan ng grocery items upang matulungan sa pangangailangan. Ang isa pang mag-aaral, nabiyayaan ng bisikleta para magamit sa pagpasok.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Teacher Dellijane Panlilio, na nagsabing mga anak na ang turing niya sa kaniyang mga estudyante.
“Siguro dahil gusto kong maramdaman nila na may taong nakikinig sa kanila para gusto kong ma-feel nila na safe sila sa akin. Makakapagsabi sila ng kahit anong nararamdaman nila,” sabi ni Teacher Delli.
Tinatanong ni Teacher Delli ang kaniyang mga estudyante kung kumain o nasa maayos silang kondisyon. Hindi rin nag-aatubili si Teacher Delli na tumulong kung may problema sila.
“Kapag nalalaman ko na wala pong pagkain 'yung mga estudyante ko, kapag may extra po ako, binibilhan ko po sila ng pagkain po sa canteen. Kapag wala naman po akong extra, minsan inuutangan ko po sila sa canteen para may maibigay po sa kanila,” anang guro.
Estudyanteng ‘di pumapasok
Isa sa mga estudyante ni Teacher Delli na si Carl Leloush Manuel ang napag-alamang isang linggo nang hindi nakapapasok sa klase dahil nasa ospital pala ang ina nito.
“May sakit po siya sa likod and sa mata po kaya po siya na-ospital po. Ako lang po 'yung maasahan gawa ng 'yung mga kapatid ko po is pumapasok po,” sabi ni Carl.
Kaya naman si Teacher Delli, agad nag-isip ng paraan at nagsabi sa mga kaklase ni Carl kung maaari silang magbigay ng kahit kaunting tulong para masolusyunan ang ilang araw na pangangailangan ni Carl.
Pagpasok ni Carl, hindi niya inasahan ang tulong para sa kaniya.
“Akala ko po mag-aabot po para sa simbahan. Hindi ko po alam na sa akin po pala ‘yung box. Napaiyak na lang po ako,” ani Carl.
Ikinatutuwa ni Teacher Del na natututo rin ang kaniyang mga mag-aaral na magmalasakit sa kapuwa nila.
“Kaya po natuwa po ako kasi hindi po nagdalawang isip 'yung mga estudyante ko na magbigay kahit sila po, alam kong nangangailangan din,” anang guro.
Estudyanteng malayo ang nilalakad
Ang estudyanteng si Vince Ryan Embajadora, nangutang pa para may maibigay sa kaklase.
Bata pa lamang nang maghiwalay ang mga magulang nina Vince at kaniyang mga kapatid kaya sila lumaki sa poder ng lolo at lola.
“Siya rin ang nag-aalaga sa mga kapatid niya, nagbabantay papuntang paaralan,” sabi ni Armelinda Embajadora.
Dahil sa hirap ng buhay, natuto si Vince sa edad 10 na tumulong na magsaka sa kanilang gulayan.
“Matulungin din siya sa akin. Bago siya pumunta sa paaralan, naglilinis, nag-aani ng mga gulay,” sabi ni Prudencio Embajadora, lolo ni Vince.
Ang kaniyang kinikita ang ipinambabaon niya sa eskuwela.
Kilo-kilometro ang nilalakad ni Vince kada araw makadalo lamang siya ng kaniyang mga klase. Tinatayang nasa kalahating oras ang nilalakad niya mula sa kanilang bahay hanggang sa paaralan.
“Ang hirap ma’am kasi ang init saka ang layo. Maputik din kasi laging umuulan. Sumasakit ‘yung paa ko. Pagdating ko sa paaralan, nakakatulog ako kasi napagod sa dami ng ginagawa ko sa bahay,” ani Vince.
Kinaantigan ito ni Teacher Delli, na nakatanggap ng donasyon mula sa netizens na nakapanood ng kaniyang mga video.
Nabigyan nila si Vince ng bagong bike.
“Masayang masaya ako, kasi may mabubuting tao na nagbigay sa akin ng bike. Malaking tulong sa akin kasi ‘di ko na kailangan maglakad. May bike na ako papunta sa paaralan. Hindi na rin ako mahuhuli sa klase,” anang mag-aaral.
Kuwento sa likod ng pagtulong
Ang motibasyon ni Teacher Delli sa pagmamalasakit sa kaniyang mga estudyante, mula sa kaniyang nakaranas noong nag-aaral pa siya.
“‘Yung bahay po kasi namin prone po siya ng baha. Tapos that time masyadong mataas 'yung tubig kaya po kami nag-evacuate. Then hindi po ako nakapasok sa school,” kuwento ng guro.
Ang tumulong noon sa kaniya para makabangon, ang kaniya ring mga kaklase.
“Pagdating ko po ng paaralan po, akala ko papagalitan ako ng teacher ko. ‘Yun pala po nag-ambagan po pala sila ng relief goods para po sa akin,” kuwento niya.
Kaya nang makapagtapos ng pag-aaral, tiniyak ni Teacher Delli na tutulong din siya sa mga estudyante niyang kapos para maipasa rin ang tulong sa iba.
Tunghayan sa Good News ang madamdaming sorpresa naman ng mga estudyante sa butihin nilang guro na si Teacher Delli. Panoorin ang gawing inspirasyon ang kanilang kuwento. – FRJ GMA News
