Patay sa tama ng bala sa ulo ang isang volleyball coach na binaril habang nagpa-practice sa isang gymnasium sa Davao City.
Sa ulat ni Danica Reneses sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa isang gymnasium sa Purok 4 Barangay Bago Gallera nitong Huwebes ng gabi.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagtuturo ang biktima sa kaniyang mga manlalaro nang biglang pumasok ang salarin na naka-facemask at binaril sa likod ng ulo ang coach.
Matapos ang krimen, umalis ang salarin at sumakay naghihintay na motorsiklo, at may suot nang mga helmet.
Ang ina ng biktima, iniisip na baka may kinalaman sa krimen ang nakabinbin na kaso na kinakaharap ng kaniyang anak.
Hindi tinukoy kung ano ang kaso at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan ng mga salarin.
Sinusuri din ang mga CCTV camera na maaaring makatulong sa imbestigasyon. – FRJ GMA News
