Inaresto ang isang 57-anyos na pastor matapos siyang akusahan ng paulit-ulit na panghahalay sa kinupkop niyang 12-anyos na batang babae sa Villasis, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa RGMA News "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Ruben Pagaduan.

Ayon sa pulisya, kinupkop at pinag-aral umano ni Pagaduan ang biktima.

Lumabas sa medico-legal na positibong ginalaw ang biktima.

"Nakakalungkot, itong taong ito ay malapit din sa atin pero siyempre, pantay-pantay tayo," sabi ni Police Major Fernando Fernandez Jr., hepe ng Villasis Police Station.

Hindi na nakuhanan ng pahayag ang biktima dahil umuwi na sila sa Kalinga. Pero ayon sa pulisya, desidido ang pamilya na sampahan ng kaso ang pastor.

"Inaareglo ang mga ito, pero hindi nga pumayag 'yung magulang. May prinsipyo din kasi ang mga magulang kaya hindi rin sila pumayag kahit na mahirap sila," sabi ni Fernandez.

Itinanggi naman ng suspek ang mga akusasyon laban sa kaniya.

"Gusto ko lang sabihin na mapag-usapan lang namin nang maganda, para maayos... Wala naman talaga, wala naman," sabi ni Pagaduan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News