Patay ang isang sakay ng isang ten-wheel delivery van, habang sugatan ang driver at pahinante nito makaraang mawalan umano ito ng preno at sumalpok sa gilid ng bundok sa New Diversion Road, Barangay Sta. Catalina sa bayan ng  Atimonan, Quezon madaling araw nitong Biyernes.

Iniulat ng Atimonan Municipal Police Station na patungong Davao Davao City ang delivery van lulan ang canned goods.

Photos courtesy of BFP Atimonan
Photos courtesy of BFP Atimonan

Nawalan umano ito ng preno sa pababang bahagi ng highway kaya mawalan daw ng control sa manibela ang driver at sumalpok ang van sa gilid ng bundok.

Wasak na wasak ang unahang bahagi ng delivery van.

Inabot ng higit isang oras bago nakuha ng mga rescuer ang katawan ng biktimang nasawi dahil naipit ito sa mga bakal.

Naisugod naman sa Doña Martha Hospital sa Atimonan ang dalawang sugatan na ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.

Accident prone umano ang area na pinangyarihan ng aksidente, ayon sa mga awtoridad. —LBG, GMA News