Patay sa engkuwentro sa Parañaque City ang isa umanong miyembro ng Abu Sayyaf na pinaniniwalaang may koneksiyon din sa international terrorist group na ISIS.

Sa eksklusibong ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, maghahain lang dapat ng arrest warrant ang mga pulis laban sa isang nagngangalang Bensaudi Sali alias Benz na "combatant" daw ng Abu Sayyaf.

Nanlaban na si Sali kasama ang iba pa kaya napilitang magpaputok ang mga pulis. May pinasabog din daw ang mga ito na granada.

Bukod kay Sali, tatlong kasama niya ang napatay din ng mga pulis. Lahat sila dead on arrival sa ospital.

Isa naman ang sugatan sa panig ng mga pulis.

Nakuha mula sa bahay ng mga suspek ang ilang bandila ng ISIS at armas. Tinitignan pa ng otoridad kung tunay na may kaugnayan sa ISIS ang mga suspek.

Kasong illegal possession of firearms daw ang pinagbasehan ng arrest warrant. —KBK, GMA News