Nasawi ang isang 65-anyos na konsehal nitong Lunes sa Mandaue City, Cebu, matapos makaranas ng komplikasyon dulot ng COVID-19.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nakapag-post pa ang konsehal na si Carmelino "Jun" del Mar sa kaniyang Facebook page noong Hulyo 22 na nahawa siya at ang kaniyang asawa ng COVID-19.

Hinikayat ng opisyal ang kanilang mga close contact na sumailalim sa isolation.

Lunes ng umaga namatay si del Mar, ayon sa ulat.

Kinumpirma ni Mandaue City Mayor Jonas Cortes na komplikasyon sa COVID-19 ang ikinamatay ni del Mar.

"Confirmed positive siya, na-COVID din siya. At sa pagkakaalam ko, nagkaroon ng cardiac," sabi ni Cortes.  —Jamil Santos/KBK, GMA News