Patay ang 41-anyos na tricycle driver matapos paghahampasin ng umano ng kahoy na may pako ng isang Nigerian national sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Dennis Razo, residente ng Barangay Lucao.

Naaresto naman ang suspek na si Emmanuelemeka Endukwe.

Nangyari ang krimen sa isang parking area sa Barangay Tapuac.

Kuwento ng pinsan ni Razo, tinanong ng biktima ang suspek kung saan papunta at doon na nagsimula ang gulo na humantong sa pagpatay ng Nigerian sa tricycle driver.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang motibo sa krimen pero posibleng napagtripan umano ng suspek ang biktima.

Dati na rin daw nakasuhan ng grave threat ang suspek.

Ipinaalam na ng pulisya sa embahada ng Nigeria ang kinasangkutang krimen ng kanilang kababayan.

Samantala, hindi naman pinayagan ng pulisya ang mga mamamahayag na makapanayam ang suspek dahil sa health protocols at nanakit din umano ang dayuhan.--FRJ, GMA News