Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang negosyanteng pinagbabaril sa loob ng kaniyang sasakyan sa Minglanilla, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kilala ng mga awtoridad ang biktima na si Jimmy Hernandez, na mula sa Mandaue City.

Sakay ng SUV si Hernandez kasama ang kaniyang asawa at kasambahay nang tapatan sila ng riding in tandem at pagbabaril ang biktima noong Linggo ng hapon sa highway Barangay Lipata, Minglanilla.

Napatigil ang sasakyan ng biktima sa gilid ng kalsada at dumagsa ang mga tao para alamin ang kalagayan ng biktima.

Nahuli-cam sa CCTV sa lugar ang ginawang pagsabay ng motorsiklo ng mga salarin sa sasakyan ng biktima.

Lumilitaw na kalibre 45 na baril ang ginamit ng angkas sa pagbaril kay Hernandez.

Patuloy ang isinasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad.

Personal na galit at away sa negosyo ang mga tinututukang motibo ng mga awtoridad sa posibleng ugat ng krimen.--FRJ, GMA News