Patay ang isang kakandidatong konsehal at dalawa niyang kasama matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang sasakyan sa San Simon, Pampanga.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Rogelio Salvador Jr., dating chairman sa Barangay Concepcion.

Nasawi rin sa pananambang ang kaniyang driver at isa pang kasama sa loob ng kanilang SUV.

Nangyari ang pananambang sa Bambang Road sa Barangay San Miguel.

Bumuo na ang pulisya ng special investigation task group para tutukan ang kaso.

Naglaan din ng P500,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng San Simon para sa makapagbibigay ng impormasyon upang malutas agad ang krimen.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa pulitika ang krimen.

Ayon kay Leonora Wong, acting mayor ng San Simon, walang record na sangkot na ilegal na aktibidad ang mga biktima.--FRJ, GMA News