Arestado ang isang bagitong pulis matapos ireklamo ng panggagahasa ng isang 18-anyos na babae sa Santa Maria, Laguna. Sa pagmamadali umanong tumakas, naiwan pa ng suspek ang kaniyang baril.

Ayon sa pulisya, nagtungo ang biktima at pamilya nito sa Santa Maria Municipal Police Station para isumbong ang nangyaring panggagahasa ng suspek na si Patrolman John Mari Lontok.

Nangyari umano ang krimen sa mismong bahay ng biktima noong December 26.

Dumating umano ang suspek sa bahay ng biktima at nakipag-inuman. Pero nang malasing ang biktima, nagpasya siyang matulog na.

Pero nagising umano ang biktima na pinagsasamantalahan na siya ni Lontok.

Nagtangka umanong manlaban ang biktima pero nagbanta raw ang suspek na papatayin siya.

Matapos nito ay umalis na kaagad si Lontok at naiwan ang bag nito na naglalaman ng kaniyang baril.

Naaresto naman kinalaunan ang suspek sa kaniyang bahay sa Santa Maria.

Nagsasagawa na rin ng sariling imbestigasyon ang Internal Affairs Service ng PNP laban sa inirereklamong pulis.

Tiniyak naman ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos sa isang pahayag na magiging mabilis at patas ang kanilang imbestigasyon.

“We are also asking the witnesses to cooperate in the investigation to shed light to the case,” ayon sa opisyal. --FRJ, GMA News