Patay ang isang 60-anyos na ina sa Camalig, Albay, matapos siyang pagpapaluin ng kahoy sa ulo ng sarili niyang anak na nakituloy sa kanilang bahay noong Pasko.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabi ng mga awtoridad na nakiusap ang suspek na makikituloy sa bahay ng kaniyang magulang sa Barangay Ligban noong Pasko matapos na bumukod sa kanila ilang taon na ang nakararaan.

Pero kinabukasan, nagkagulo ang pamilya nang pagsasakalin umano ng suspek ang dalawa nitong kapatid.

Nakatakas naman kinalaunan ang magkapatid kasama ang kanilang ama para humingi ng saklolo.

Pero naiwan sa bahay ang kanilang ina, at nang balikan nila ay patay na at duguan ang ulo.

Nahuli naman ang suspek na naging bayolente umano at tinangka pang mang-agaw ng baril.

Sa pagtatanong ng mga awtoridad, sinabi ng suspek na napatay niya ang kaniyang ina dahil sa inakala niyang aswang ito.

Susuriin pa kung may may problema sa pag-iisip ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.

--FRJ, GMA News