Isang limang-taong-gulang na babae na dadalo sana sa Christmas party ng eskuwelahan ang nasawi matapos na mabangga ng truck ang tricycle na sinasakyan nilang mag-ina sa Mabini, Batangas.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing biktima na si Shen-Kyria Venice de Castro.
Nakita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Barangay Pulong Niogan, makikitang nalaglag din mula sa tricyle ang ina ng biktima na backride sa tricycle nang mabangga ng truck.
Ayon kay Police Major Mickglo Marinas, hepe ng Mabini Police Station, nawalan umano ng preno ang truck na minamaneho ni Edgardo Otlang, at inararo ang dalawang tricycle.
Sa ibinahaging death certificate ng pamilya ng biktima, nakasaad na massive blood loss ang sanhi ng pagkasawi ng bata.
Papunta sa Christmas party sa paaralan ang mag-ina at bitbit ang ilang pangregalo sa mga kaklase at kaibigan nang mangyari ang trahediya.
Ayon sa lola ng biktima, mataas ang pangarap at bibo ang kaniyang apo.
Paliwanag ni Otlang na nakadetine sa himpilan ng pulisya, hindi na niya naiwasan ang nakasalubong na tricycle na sinasakyan ng mga biktima.
Naiyak si Otlang nang humingi ng tawad sa pamilya ng biktima.
Nahaharap sa kaukulang kaso si Otlang.--FRJ, GMA Integrated News