Sa pamamagitan ng social media post, ibinahagi ng pamilya ni Ate Gay, o Gil Aducal Morales, ang lagay ng kalusugan ng stand-up comedian na dating natuklasan na mayroong sakit na cancer. Umapela sila sa pinansyal na tulong para sa kaniyang pagpapagamot.

Sa Facebook account ni Ate Gay, ibinahagi ng pamilya Morales nitong Martes na halos isang linggo nang nasa intensive care unit (ICU) ng Asian Hospital and Medical Center ang komedyante.

"During this difficult time, our family is humbly reaching out to your kind hearts for any financial assistance to help support his ongoing medical needs," pahayag ng pamilya habang ibinahagi ang iba't ibang paraan para makapagpadala ng donasyon.

Sa maikling update, nagpasalamat din ang pamilya, “to everyone who has already extended their kindness and generosity.”

Kamakailan lang, nagdiwang ang komedyante ng tinatawag na “living funeral” kasama ang kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan.

"Celebration of life... Undasko," saad ni Ate Gay sa caption sa post naturang pagtitipon.

Noong 2025, natuklasan na mayroong stage 4 cancer si Ate Gay.

Matapos na maisapubliko ang kaniyang kalagayan, may mga tumulong sa kaniya, kabilang ang isang donor na sumagot sa kaniyang radiation therapy sa Asian Hospital. Mayroon ding nagpahiram ng condominium unit na malapit sa ospital.

Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ni Ate Gay na “graduate” na siya sa radiation at chemotherapy.

At nitong nakaraang Hunyo, ibinahagi ng komedyante na wala na siyang mga bukol sa leeg at ilong batay sa resulta ng kaniyang magnetic resonance imaging (MRI).

Ang mga nais magpaabot ng tulong ay maaaring magpadala ng donasyon sa bank account na nasa ibaba:

RCBC Savings Account

9032693623

Mark Thew Morales

— FRJ GMA News