Nasawi ang isang 34-anyos na rider nang tumilapon mula sa kaniyang motorsiklo matapos umanong mahagip ang isang aso na biglang tumawid ng kalsada sa Infanta, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si John Vincent Cuento.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima at binabagtas ang national road sa Barangay Dinahican nang mangyari ang insidente.

Tumilapon mula sa motorsiklo ang biktima nang mahagip ang aso at bumagsak sa sementadong kalsada.

"More or less mga sampung metro ang distansiya niya from dun sa motorcycle. Maaaring hindi niya kinaya yung ano, yung lakas ng pagpreno niya nawalan siya ng balanse," ayon kay Police Major Fernando Credo, hepe ng Infanta Police Station,

Mabilis umano ang takbo ng biktima nang mangyari ang insidente, ayon sa pulisya.

May suot naman daw na helmet ang biktima pero matindi ang tinamong pinsala sa katawan at ulo sa pagkakabagsak sa kalsada.

Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.--FRJ, GMA Integrated News