Sapul sa CCTV camera ang pamamaril sa isang sundalo na bumibili sa botika sa San Jose, Montevista, Davao de Oro. Ang biktima, nakatalikod nang lapitan at pagbabarilin ng salarin.

Sa ulat ni RGil Ralator sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si  Sargeant Rene Asio, 32-anyos.

Nangyari ang krimen noong Sabado, dakong 8:00 p.m. sa labas ng botika sa Barangay Bangkerohan Sur. Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktima na bumibili nang biglang sumulpot ang salarin at malapitan siyang pinagbabaril habang nakatalikod.

Nasawi ang biktima, habang nakatakas naman ang salarin.

Ayon sa pulisya, pitong basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Sinabi ni Police Captain Alvin Atienza, hepe ng Montevista Police Station, na mayroon na silang persons of interest.

"Hindi lang kami makapagbigay ng karagdagang detalye ngayon dahil ongoing ang imbestigasyon at para na rin sa seguridad ng pamilya ng biktima," paliwanag niya.

Tinitingnan din ng pulisya ang paghihiganti na may kinalaman sa trabaho bilang motibo sa krimen.

"Mayroon tayong tinitingnan na anggulo ng vengeance. Base sa investigation na kinonduct namin at saka sa salaysay ng pamilya ng biktima, ang nakikitang motibo ay posibleng may kinalaman sa trabaho," dagdag ni Atienza. --FRJ, GMA Integrated News