Sugatan ang isang abogado at kaniyang security aide matapos silang saksakin ng isang lalaki sa loob ng law office sa Bangued, Abra. Ang suspek, napatay naman ng sugatang security aide.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang nasugatang abogado na si Atty. Hamilcar Bigornia, presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Abra.

Kinilala naman ang napatay na suspek na si Jay-Ar Bergonia, 34-anyos. At inaresto ang kapatid nito na si John Mark Bergonia, na nahulihan pa umano ng marijuana.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok umano sa law office ang suspek na nagpakilalang "Poong Nazareno," at nagtatanong umano tungkol sa "release paper" na hindi naman alam ni Bigornia

Nang paalis umano ng biktima ang suspek, doon na ito nanaksak at unang inatake ang security aide.

Kahit sugatan, nagawa ng security aide na paputukan ang suspek na dahilan ng pagkamatay nito.

Napag-alaman din ng pulisya na bago umano magtungo sa law office ang magkapatid, gumamit umano ang mga ito ng ilegal na droga.

Hindi naman daw alam ni John Mark na ganoon ang gagawin ng kaniyang nasawing kapatid. Mahaharap siya sa kaukulang kaso.

Inihayag  naman ng abogado hindi niya kilala ang dalawa at posibleng epekto ng ilegal na droga kaya nagawa ng magkapatid ang krimen.--FRJ, GMA Integrated News