Sugatan ang pitong katao, kabilang ang limang trabahador at dalawang anak ng may-ari, matapos sumabog ang isang manukan na ginawang pagawaan ng paputok sa San Simon, Pampanga.
 
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing narinig pa sa kalapit na bayan ang pagsabog na nangyari sa Barangay Concepcion, ayon sa mga awtoridad.
 
Sa kanilang pagresponde, namataan nilang nasusunog ang ilang kemikal at mga sangkap sa paggawa ng paputok.
 
Nakita rin ang ilang finished product na nakaimbak sa lugar.
 
Lumabas sa imbestigasyon na pagawaan pala ng paputok ang lugar, ngunit walang permit o dokumento.
 
Tumangging magbigay ng pahayag ang may-ari samantalang inaasikaso pa ang mga nasaktan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News