Nauwi sa madugong barilan ang gun buy-bust ng mga awtoridad sa Orion, Bataan na nagresulta sa pagkamatay ng isang pulis at dalawang suspek. Dalawang pulis pa ang sugatan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing pulis na si Corporal Darnel Alfonso.

Sugatan naman ang mga kasamahan niyang pulis na sina Major Dennis Duran at Staff Sergeant Glen Salac.

Napatay din ang dalawang suspek na sangkol umano sa nagbebenta ng mga armas.

Ayon kay Police Captain Michelle Gaviola, PIO Bataan Police Provincial Office, nagtungo sa Barangay Gen. Lim sa Orion, ang mga pulis para isagawa ang buy bust.

Pero kaagad umanong nagpaputok ang dalawang suspek nang matunugan na operatiba ang kanilang katransakyon.

Nakuha umano mula sa mga suspek ang iba't ibang uri ng baril, mga bala, magazine at isang granada.

Pinuri naman at kinilala ng Bataan Police Office ang kabayanihan at dedikasyon sa tungkulin ni Alfonso at ng mga nasugatan niyang kasamahan.--FRJ, GMA Integrated News