Bangkay na nang matagpuan ang isang 21-anyos na kolehiyala sa Tuguegarao City na nawawala noon pang Sabado.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jasmine Grace Casale.

Natagpuan ang bangkay ng biktima sa Barangay Annafunan East ng lungsod. 

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, posibleng minolestiya ang biktima dahil ayon sa testimonya ng mga saksi, punit-punit ang kanyang damit nang siya'y matagpuan.

Napag-alaman sa police investigation na umalis ang biktima sa kanilang bahay noong gabi ng Sabado at sinabing makipagkita daw sa kaibingan.

Hindi na siya nakauwi kaya inalerto ng kanyang mga magulang ang pulisya at nag-post din sa social media upang mahanap ang kanilang anak.

Iniimbestigahan na ang insidente. —LBG, GMA Integrated News