Dalawa ang patay, at sugatan ang isa pa nang sumalpok sa poste ng kuryente ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Candaba, Pampanga.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, nahuli-cam ang trahediya na nangyari sa Barangay Talang noong Linggo ng gabi.
Sa CCTV footage, makikita na may nag-spark sa motorsiklo na sinasakyan ng tatlo nang dumaan sa pakurbang bahagi ng kalsada.
Nagdire-diretso ang motorsiklo at sumalpok sa poste.
Nasawi ang rider at isa niyang angkas.
Mapalad namang nakaligtas at galos lang tinamo ng isa pang sakay ng motorsiklo.
“Sobrang bilis na talaga ng takbo, nung nakita ko ang poste na tatamaan bumalik na lang ako nang ganun at kinover ko na lang ang kamay ko sabay pikit,” ayon sa nakaligtas.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakainom ang mga sakay ng motorsiklo.
“Wala rin po silang protective gears and helmet isa po yan sa mga problemang nilalabanan natin ngayon dito po sa bayan ng Candaba,” ayon kay Police Major Michael Ray Pamintuan ng Candaba Police Station.
Sinabi naman ng ina ng rider na sinabihan niya ang anak na huwag nang lumabas subalit hindi ito nakinig.
“Siguro kaya po ang naging instrumento para matutunan ng mga anak ko paano sumunod sa magulang kung paano pahalagahan ang payo ng magulang na pag binabawalan wag nang itutuloy,” ayon kay Fely Calma.-- FRJ, GMA Integrated News