Nasawi ang isang pulis matapos siyang pagbabarilin ng drug suspect na kaniyang minamanmanan sa Pototan, Iloilo. Ang suspek, napatay naman sa pursuit operation nang manlaban.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing pulis na si Police Corporal Reo Manero, na galing sa Iloilo Police Provincial Office (IPPO) bago nadestino sa Pototan Police.

Ayon sa IPPO, nagsasagawa ng surveillance si Manero laban sa drug suspect na si Michael Solis sa Barangay Polot-an noong Lunes ng hapon.

Nakapasok umano si Manero sa compound ng bahay ni Solis at doon na pinagbabaril ang biktima.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian na rin ng buhay.

Tumakas naman si Solis matapos ang krimen.

Pero ilang oras matapos ng pamamaril, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagtatago si Solis sa kalapit na bayan ng Barotac Nuevo kaya isinagawa ang hot pursuit operation.

Ayon kay Police Captain Cedrick Cruz, hepe ng Barotac Nueva, kaagad nagpaputok si Solis nang puntahan ng mga pulis, at isang kasamahan nila ang tinamaan sa balikat.

Tumakbo umano si Solis sa taniman at doon na siya napatay ng mga humahabol na awtoridad.

Naulila ni Manero ang kaniyang maybahay at dalawang anak. --FRJ, GMA Integrated News