Patay sa pamamaril ang isang empleyado sa city hall ng Pagadian City habang naglalakad sa footbridge. Ang biktima, ilang beses na umanong pinagtangkaan ang buhay noon pero nakaligtas.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Caloy Andal, 44-anyos, na pinagbabaril habang pauwi ng kaniyang bahay sa Barangay Cabingaan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad sa footbridge ang biktima kasama ang kaniyang kaibigan nang sumulpot ang salarin at pinagbabaril si Andal.
Kaagad na nasawi ang biktima dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan. Napatalon naman sa dagat ang kaniyang kaibigan dahil sa takot.
Nakita umano ng kaibigan ng biktima na tumakas ang salarin sakay ng isang pump boat .
Ayon sa pulisya, nagsisilbi rin ang biktima na purok president, at hinihinalang nakaaway nito ang suspek sa isang case settlement sa barangay noong nakaraang Mayo.
Ang naturang case settlement sa suspek ang isa sa mga titingnan ng mga awtoridad na posibleng motibo sa krimen.
Sinabi naman sa barangay official, ilang beses nang pinagtangkaan ang buhay ng biktima noon pero nakaligtas siya.
Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek. --FRJ, GMA Integrated News