Inanunsiyo kamakailan ng Land Transportation Office (LTO) na maaari nang iparehistro muli [para sa renewal lang] ang sasakyan sa pamamagitan ng LTMS Online Portal ng ahensiya.
Sa Facebook account ng LTO, nag-post ang ahensiya ng step-by-step guide kung ano ang mga dapat gawin ng may-ari ng sasakyan para renewal ng rehistro na hindi na kailangan pumunta pa sa kanilang tanggapan.
Narito ang step-by-step guide:
Step 1: Kailangan munang kumuha ang car owner ng motor vehicle certificate of coverage (COC) mula sa isang insurance company na magtitimbre naman electronically sa LTMS.
Step 2: Dadalhin ng may-ari ang kaniyang sasakyan sa isang Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) para masuri ang road worthiness nito. Ang resulta ng pagsusuri, ipadadala naman electronically sa LTMS.
Step 3: Kapag nagawa na ito, puwede nang mag log in sa LTO portal ang may-ari ng sasakyan at umpisahan na ang proseso ng online motor vehicle registration renewal application.
Step 4: Kasunod nito, bayaran ang mga fees sa online platforms at may makikitang official receipt (OR) mula sa system. Ang OR ay ipadadala sa email account ng may-ari ng sasakyan, at makikita rin sa portal.
Step 5: Tapos at kompleto na ang online registration.
Pero may mga paalala ang LTO kung ano lamang ang papayagan sa online registration:
· Ang online motor vehicle renewal of registration ay para lamang sa renewal ng rehistro ng sasakyan
· Ang magrerehistro ay dapat mayroon sarili o miyembro ng organisasyon na mayroong registered LTO portal account
· Ang motor vehicle na kailangan nang i-renew ay dapat naka-link sa registered LTO portal account
· Ang huling motor vehicle renewal transaction ay dapat nakompleto gamit ang LTMS
· Ang may-ari na nakarehistro sa certificate of registration (CR) ay dapat na current owner
· Ang PMVIC ay dapat gamitin para makakuha ng inspection report
· Ang detalye ng motor vehicle o sasakyan ay dapat updated kabilang ang latest plate issuance
· Ang COC ay dapat na transmitted/validated ng Insurance Commission.
--FRJ, GMA Integrated News