Naisalang na sa inquest proceedings ang mga suspek sa pagkamatay ng isang lolang taga-Quezon City, ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng  Quezon City Police.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinampahan ng reklamong murder, kidnapping, abduction, at robbery si Mark Anthony Cosio at mga umano'y kasabwat niya sa pagpatay kay Ediberta Gomez, 79-anyos, na noo'y nawawala at natagpuang naaaganas na ang katawan.

Si Cosio ang driver ng taxi na nakunan sa CCTV na sinakyan ng biktima noong January 14.

Sa extra-judicial confession noong February 10, sinabi ni Cosio na isa siya sa mga dumukot at pumatay kay Gomez.

Inaresto si Cosio noong February 3 matapos mahulihan ng granada.

Sinabi rin ni Cosio na kasabwat niya ang magkapatid na sina Keith Richard at Jimbo Robosa, na naaresto na rin dahil sa pangho-holdup umano sa isang gasolinahan.

Hindi na pinangalanan ng CIDU ang iba pang mga suspek na na-inquest na rin. —LBG, GMA Integrated News