Dahil sa kaniyang karanasan na laging hindi natatanggap sa trabaho dahil sa kaniyang hitsura, isang babae ang gumastos ng aabot sa P1.3 milyon para gumanda sa pamamagitan ng pagpaparetoke. Anu-ano nga ba ang dapat isipin sa pagpaparetoke at paano maiiwasang maadik dito?

Sa programang "Pinoy MD," ipinakilala ang 40-anyos na si Joylyn Cachin, na maiksi ang buhok, kayumanggi ang balat, pango at simple lang ang porma, anim na taon ang nakararaan.

Nakaranas daw noon si Cachin ng mga hindi magagandang pangyayari dahil sa dati niyang hitsura. Ayon sa kaniya, ilang beses siyang tinanggihan at hindi natanggap sa trabaho.

“‘Yung mga kasama ko na nag-apply na maganda, natanggap sila eh. Ako hindi ako maganda so alam mo na kung ano ang ibig sabihin nu’n. Madali kasi ang buhay kapag maganda ka in short. Reality ‘yon,” sabi ni Cachin.

Kaya naman taong 2016 nang sumailalim siya sa rhinoplasty o pinatangos ang kaniyang ilong.

Pag-amin ni Cachin, nawili siya sa ginawang pag-aayos sa kaniya kaya naging taun-taong ang kaniyang pagpaparetoke.

Nagpalagay siya ng dimples, nagpa-botox, nagpaalis ng double chin, nagpalaki ng dibdib at nagpaliit ng tiyan at braso.

Sa pangalawa ring pagkakataon, muli niyang ipinaayos ang kaniyang ilong.

“Nakaka-adik ang pagpaparetoke. Real talk ‘yan,” pag-amin ni Cachin.

Umabot na ng P1.3 milyon ang kaniyang gastos sa mga ipinareretoke sa kaniyang katawan.

Nagpayo ang plastic at aesthetic surgeon na si Dr. George Ferrer, na desidido dapat ang isang tao sa pagpaparetoke.

Sa mga lisensyadong surgeon lamang din dapat magparetoke para matiyak na safe at ma-achieve ang gustong glow-up goals.

Ayon naman sa psychiatrist na si Dr. Joan Rifareal, marami ang nae-engganyong magparetoke dahil paraan nila ito para mapalakas ang kompiyansa nila sa sarili.

Bagama’t normal lang na maghangad na mabago o mapaganda ang hitsura, dapat ding maghinay dahil posibleng kaadikan ang pagpaparetoke, o ang tinatawag na plastic surgery addiction.

“‘Pag umaabot ito sa point na nagko-cause na ng distress sa individual, nagko-cause ng dysfunction ang tawag natin dito ay body dysmorphic disorder,” sabi ni Rifareal.

Ayon pa kay Rifareal, malimit na magkakonekta ang body dysmorphic disorder at ang addiction sa pagpaparetoke.

“Hindi siya umaabot sa point na they become satisfied at tsaka ang expectations nila are unrealistic already. ‘Yung iba umabot sa point na sila mismo kinukutkot na nila ‘yung kanilang skin kasi they feel na sila na lang ang gagawa,” sabi ni Rafareal.

“‘Yung mindset is very important. Growth mindset always important, na kahit na anong physical na appearance natin, characteristics, we look pa rin sa totality ng ating personhood,” anang psychiatrist.-- FRJ, GMA Integrated News