Inilahad ni Zayn Malik na isa o dalawang beses siyang na-kickout sa isang dating app dahil sa ilang akusasyon ng “catfishing” o paggamit ng larawan ng ibang tao para sa kaniyang profile.

“Everyone accused me of catfishing," sabi ng dating One Direction member sa panayam sa kaniya ng Nylon magazine, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes.

"They’re like, ‘What are you using Zayn Malik’s pictures for?’" dagdag ni Zayn na sinabi sa kaniya ng ilang users.

Dahil dito, sinabi ni Zayn na hindi muna siya nakikipag-date sa sinoman.

“I’m really content and happy with being single for the first time in my life.”

Huling nakarelasyon ni Zayn ang supermodel na si Gigi Hadid, at mayroon silang tatlong taong gulang na anak na si Khai.

Nakumpirma ang hiwalayan nina Zayn at Gigi sa gitna ng mga alegasyon na sinaktan niya umano ang ina ni Gigi na si Yolanda sa isang pagtatalo, bagay na itinanggi ng singer. —Jamil Santos/VAL, GMA Integrated News