Nagluluksa ang host ng noontime show na “It’s Showtime” na si Lassy Marquez dahil sa pagpanaw ng kaniyang ama.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ng TV host-comedian ang larawan habang hawak niya ang kamay ng kaniyang ama na may nakasaad sa mensahe.
“Paalam dada ko. Mahal na mahal kita. Tatandaan ko mga huling habilin mo. Mahal na mahal kita,” saad niya sa post.
Sa isang Facebook post, inihayag niya ang labis na pagmamahal sa kaniyang ama. Ipinangako niyang hindi niya pababayaan ang kanilang pamilya sa kabila ng pagpanaw ng kanilang padre de pamilya.
“Maraming salamat sa memories at pagmamahal mo sa amin bilang isang ama. Hinding hindi kita malilimutan kahit kailan. Tatandaan ko ang mga huling habilin mo bago ka pumanaw,” bahagi ng kaniyang mensahe na kalakip ang larawan ng huling sandali na kasama niya ang ama.
“At ako na rin ang bahala sa pamilya natin lalo na kay mama. Kaya wag kang mag alala. At Gabayan mo lang kami lagi. Hanggang sa muli Dada ko. Mahal na mahal kita,” pangako ni Lassy.
Nitong Miyerkules, humingi ng dasal si Lassy sa social media para sa paggaling ng kaniyang ama. Hindi niya binanggit ng TV host ang kalagayan ng kaniyang ama.
Nitong Miyerkules, nag-post ang singer na si Gigi De Lana kaugnay ng pagpanaw naman ng kaniyang ina.
— FRJ, GMA Integrated News

_2024_05_16_18_14_53.jpg)