Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos mabisto ang ginagawa niyang pamboboso umano sa mga babaeng katrabaho niya gamit ang spy camera sa banyo ng kanilang staff house sa Malate, Maynila. Ang suspek, nakilala dahil nai-video rin niya ang sarili nang ilagay ang spy cam.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa isang video ang ginagawang paglalagay ng lalaki sa spy camera sa loob ng banyo para makapamboso umano sa mga babaeng katrabaho niya.
Sinabi ng admin ng staff house na eksaktong naliligo ang isa nilang katrabaho nang mapansin nito ang isang hugis ballpen na nakaipit sa gilid ng inidoro.
Nang kanilang suriin, dito nakita na may memory card sa loob ng ballpen.
Tiningnan nila ang file nito sa computer, at nakita ang dalawang babaeng nilang katrabaho na nakunan sa video habang naliligo.
Natukoy ng mga empleyado ang gumawa nito matapos siyang mapanood sa video habang sine-setup ang spy cam.
“Sa pagkakakilala ko sa kaniya mabait po siya. Kaya hindi po namin siya nakitaan na may ‘red flag’ na gagawin sa amin iyon. Bale mag-8 months lang po siya sa amin,” sabi ng admin ng staff house.
Agad isinumbong sa mga awtoridad ang suspek at dinakip ng pulisya.
Na-inquest na nitong Miyerkoles ang suspek.
Sinabi ng pulisya na nag-iimbestiga sila kung ano ang planong gawin ng suspek sa mga nakuhang video at kung posibleng ibinibenta niya ang mga ito online.
“Pang personal niya lang consumption, yun po ang pagkakasabi. Sinampahan po natin siya ng paglabag po sa RA 9905 o ‘yung Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009,” ayon kay Police Lieutenant Michael Olaer, Duty OD ng Malate Police Station.
Kasalukuyang nasa kostudiya ng Malate Police Station ang suspek. – Jamil Santos/FRJ GMA News
