Matagumpay na natanggalan ng malignant prostate gland ang isang pasyente sa Urology Center of the Philippines (UCPI) sa Quezon City, habang nasa Shanghai, China ang mga duktor na nag-opera sa kaniya. Naisagawa ito sa pamamagitan ng telesurgery na kauna-unahang naisagawa sa bansa.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing inoperahan siya ng mga espesyalista ng UCPI na nasa China.

Naisagawa ang operasyon sa pamamagitan ng Medbot, isang makina na may robotic arms at monitor na kinokontrol sa pamamagitan ng internet.

Sakaling mawala man ang internet connection sa procedure, may mga doktor on site sa Q.C., na nakahandang sumalo sa operasyon.

Malaking tulong umano ang naturang uri ng medical technology para sa mga bansang katulad ng Pilipinas na kulang sa mga espesyalista. – Jamil Santos/FRJ GMA News