Hindi lang hanapbuhay kung hindi maging ang mismong buhay ng isang parol vendor ang naisalba ni Manila Mayor Isko Moreno matapos pakyawin ng alkalde ang 1,000 parol niya na biglang hindi kinuha ng bibili.

Sa ulat ni Lei Alvis sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing aabot sa P70,000 ang halaga ng mga natenggang parol ni Maximo Simon, ng Sta. Manila.

Sa video na nag-viral kamakailan sa social media, makikitang umiiyak si Simon dahil nabaon siya sa utang dahil sa paggawa ng mga parol na hindi naman kinuha ng kostumer.

"Yung nangontrata po ng parol isang tao lang po 'yon. Sila [nag-usap sa pag-order] ang nagkaroon ng problema nadamay lang po yung parol ko," kuwento niya.

Nang malaman ni Mayor Isko ang nangyari kay Simon, nagpasya siyang bilhin ang mga parol at ipinakabit sa barangay.

Umiiyak na nagpasalamat si Simon sa ginawa ng alkalde.

"Maraming maraming salamat talaga. Hindi ko alam kung saan kukuha ng pangutang wala naman akong pangpangutang ngayon," saad niya.

Ayon sa alkalde, naawa siya sa sitwasyon ni Simon kaya pinakyaw na niya kung ano man ang natitira sa mga parol nito.

Papaimbestigahan din ni Moreno ang nangyari kay Simon upang alamin kung sino ang dapat managot.

Samantala sa panayam kay Simon sa Facebook page ng alkalde, sinabi niya na ilang araw na siyang naglalasing at umiiyak dahil sa problema sa parol at pag-iisip sa pagkakabaon niya sa utang.

Nakapag-iisip na rin daw siya ng hindi magandang gagawin sa kaniyang sarili.

"Sabi ko nga laging kong binabanggit bukas RIP na 'ko. Opo hindi ako nagbibiro, RIP na 'ko bukas," pahayag niya.

Pero dahil sa ginawa ni Moreno, nabuhayan daw ng loob si Simon at nagawa na niyang makatulog.

Hindi raw niya inakala na isang iglap natapos din agad ang kaniyang problema.

Bukod sa nalutas na problema niya sa parol, magiging masaya raw ang Pasko ni Simon dahil makakasama niya ang kaniyang bunsong anak na dumating na sa kanilang bahay na siyang na buwang naging stranded sa probinsiya dahil sa COVID-19 pandemic.--FRJ, GMA News