Pinapatay nang labis na pagkabalisa sa mga materyal na bagay ang pananalig natin sa Diyos (Mateo 6:24-34).

Pera ang pangunahing pinoproblema ng mga tao. Kahit sino naman siguro ay kailangan ng salapi para matustusan ang ating mga pangangailangan lalo na ngayong may pandemiya.

Sabi nga, pera ang problema ng mga taong buhay. Pero may mga tao na problema pa rin ang pera kahit patay na. Kasi, walang pambili ng kabaong, o panggastos para sa cremation, at pambayad para sa paglilibingan.

Ngunit pinapaalalahanan  tayo ng Panginoong Diyos sa Mabuting Balita (Mateo 6:24-34), na huwag tayong labis na nag-aalala at nababalisa sa pag-iisip na baka tayo'y kapusin sa pagkain, inumin o damit dahil hindi tayo pababayaan ng Diyos. (Mt. 6:31)

Ang mga bagay na ito ang masyadong kinahumalingan ng mga taong walang pananampalataya sa Diyos sa katauhan ng mga Hentil. (Mt. 6:32)

Masyado tayong nag-aalala at nababalisa sa mga materyal na bagay at kayamanan dito sa ibabaw ng lupa. Pinoproblema natin kung paano madadagdagan ang ating salapi, at kung papaano natin mapapalago ang ating mga ari-arian.

Ang iba, kahit nasa kanila na ang lahat ng kayamanan, hindi pa rin kontento. Pakiramdam nila ay kulang pa rin at patuloy na pinoproblema kung papaano pa yayaman.

Marami sa atin ang ganyan. Hindi nararamdaman ang pagiging "kontento" sa buhay. Hindi masaya sa kung ano ang mga biyayang ibinigay na sa kanila ng Panginoon.

Ang mga taong hindi "kontento" sa kung anong mayroon sila ay walang kapanatagan ng isipan. Dahil patuloy nilang iisipin kung papaano makukuha ang lahat ng bagay na gusto nila kahit pa may maapakan silang ibang tao.

At kapag nabigo silang makamit ang kanilang gusto, ang Panginoon naman ang sisihin at sasabihing madamot.

Ang sobrang kasakiman ng tao sa mga materyal na bagay ang pumapatay sa kaniyang tiwala at pananampalataya sa Panginoong Diyos.

Kaya pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa na huwag tayong mabalisa tungkol sa ating kakainin at sa ating iinumin upang mabuhay. Sapagkat kung ang mga ibon na hindi nagtatanim o umaani man ay hindi pinababayaan ng Panginoon. (Mt. 6:26-27)

Tayo pa kayang mga anak Niya ang Kaniyang pababayaan? Kaya't tahasang sinasabi sa atin ng Diyos na dahil sa sobrang pagkabalisa natin, ipinapakita lamang natin ang ating maliit na pananampalataya sa Kaniya. (Mt. 6:28-30).

Tandaan na hindi kailanman pinabayaan ng Panginoon ang mga taong nagtitiwala sa Kaniya.

Manalangin Tayo: Panginoon, turuan Mo po kaming magtiwa Sa'yo sa halip na sa mga materyal na bagay. Panginoon, ipinauubaya na po namin Sa'yo ang aming mga pangangailangan. AMEN.

--FRJ, GMA News