Isang tila bata raw ang nakita ni Myrtle Sarrosa sa kalsada sa Samar kahit dis-oras ng gabi. Habang si Liezel Lopez, kinilabutan nang dumaan sa harap niya ang tila usok na hugis ng isang babae sa kanilang bahay.

Kuwento ni Myrtle sa programang "Mars Pa More," nag-mall tour sila noon sa Samar nang mangyari ang nakatatakot niyang karanasan.

Dahil sa bagyo, dalawang araw daw silang natengga sa isang lugar na hindi naman karamihan ang tao sa Samar. At nang payagan na silang bumiyahe papuntang airport, nataon ito nang hatinggabi.

Ayon kay Myrtle, mabundok ang lugar na kanilang dinaanan at walang masyadong ilaw. Hanggang sa makita nila ang tila bata na nakatalungko sa kalsada na walang buhok ar nababalot ng puti.

"Bigla kaming sumigaw. Sabi ko, 'Bata ba yon?' Gusto ko nang huminto. Sabi ng driver namin, 'Hindi tayo puwedeng huminto, bawal huminto," kuwento niya.

Ayon sa kanilang driver, marami raw talagang "nagpapakita" sa lugar na kanilang dinaanan.

Ibinahagi naman ni Liezel ang nakatatakot niyang karanasan sa bahay nila sa Olongapo na nasa bundok tulad ng tinatawag na "doubleganger."

Sabi ng aktres, kumakain sila ng kaniyang lola nang may biglang dumaan na tila babae sa kanilang bintana.

Nakita rin umano ng kaniyang lola ang tila usok na hugis babae na dumaan pero wala raw ibang tao nang sandaling iyon kung hindi silang dalawa lang.

Sa kagustuhan malaman kung sino ang dumaan, lumabas pa raw siya para tingnan ang babae pero bigla itong nawala.

"Ako siyempre parang hindi ako makapaniwala na nakakita ako ng ghost sinundan ko pa siya sa likod, tapos wala talaga. Doon na ko kinilabutan," ayon kay Liezel.--FRJ, GMA News