Nauwi sa totohanang rescue mission ang training exercise ng isang rescue team sa Maryland, USA, nang mahulog mula sa pantalan at bumagsak sa dagat ang isang kotse na may sakay na matandang lalaki.

Sa Facebook page ng Susquehanna Hose Company, ipinost nila ang video na kuha ng First Arriving, sa nangyaring insidente sa Maryland Marina sa Tydings Park, Havre de Grace.

Sakay ng speedboat, nagsasagawa noon ng training exercise ang Fire Rescue Boat and Dive Team ng SHC para sagipin ang isang nagka-kayak na kunwaring lumubog sa dagat, at kinukuhanan ito video ng First Arriving.

Pero habang nagsasagawa ng pagsasanay, isang kotse sa Marina ang biglang nahulog sa tubig at nasa loob ang isang matandang lalaki.

Kaagad na pinuntahan ng rescue team ang kotse at itinali nila ito sa speedboat para hindi ito kaagad lumubog.

Dahil nakasuot na ng dive suit ang isang miyembro ng rescue team, pinuntahan niya ang driver ng kotse na naka-seatbelt at inilabas niya ng sasakyan bago tuluyang lumubog ang kotse.

Isinakay ang matanda sa speedboat upang masuri. Kinalaunan ay dinala na siya sa ospital sakay ng ambulansiya.

Sa ginawang pagsagip sa matanda, umani ng paghanga ang rescue team mula sa netizens.-- FRJ, GMA News