Parang matagal nang magkakilalang nag-usap sa telepono ang lucky caller na babae at si Willie Revillame, na tinawag na "mabunganga pero mabait."

Sa isang episode ng "Wowowin-Tutok To Win," biniro ni Kuya Wil ang caller na hindi siya si Willie at sinabing mayabang 'yon.

"Hindi namin kilala 'yon, ang yabang-yabang yon," biro ni Kuya Wil sa caller na nanonood sa programa niya sa Youtube.

Sumagot ang caller at idinepensa niya si Kuya Wil.

"Hindi po napakabait po no'n. Kahit po 'yon mabunganga, mabait po 'yon," ayon sa caller.

Napatawa nang todo si Kuya Wil sa nadinig na paglalarawan sa kaniya ng caller.

Kaya tinanong niya kung bakit naging mabunganga ang TV host.

"Laging pinapagalitan ang staff," sabi uli ng caller na hindi pa rin sigurado kung si Willie ang kausap niya na tawang-tawa sa mga sinasabi niya.

Sinabi naman ng caller na may katwiran din naman na magalit si Willie sa staff dahil nais lamang ng TV host na maging maganda ang resulta ng kanilang programa.

Dahil sa magandang pahayag ng caller, hiniling ni Kuya Wil sa caller na magbigay ng payo sa kaniyang staff.

Panoorin ang nakatutuwang tagpo at alamin kung saan hahantong ang kanilang pag-uusap.

--FRJ, GMA News