Sa bawat paglaki ng 10 sentimetro (apat na pulgada) sa baywang ng lalaki, tumataas ng pitong porsiyento ang peligro na mamamatay siya sa prostate cancer, ayon sa pinakabagong pag-aaral tungkol sa posibleng koneksiyon ng obesity at naturang sakit.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing prostate cancer ang ikalawang uri ng cancer na nakikita sa kalalakihan, at ika-apat naman sa pangkalahatan, batay sa World Health Organization.

Pero hindi pa rin malinaw kung may direkta kaugnay ang pagkakaroon ng prostate cancer sa pagiging obese o higit sa tamang timbang ang tao.

Sa ginawang pag-aaral, sinuri ng mga nagsasaliksik ang mga naunang pag-aaral na nalathala tungkol sa nasabing usapin. Kinapapalooban ito ng 2.5 milyon kalalakihan, at pinag-aralan ang mga bagong datos ng mahigit 200,000 kalalakihan sa UK.

Sa bawat pagtaas ng limang puntos sa body mass index (BMI), ang peligro na mamamatay sa prostate cancer ay tumaas ng 10 porsiyento, ayon sa pag-aaral na nalathala sa journal ng BMC Medicine.

Ayon kay Aurora Perez-Cornago, nutritional epidemiologist sa Oxford University na nanguna sa pag-aaral, kapag nagbawas ng limang puntos ang mga lalaki sa kanilang BMI, aabot sa 1,300 ang mababawas sa posibleng mamamatay sa cancer sa bawat taon sa UK pa lamang.

"The key message is: please, men, maintain a healthy weight," sabi ni Perez-Cornago sa AFP.

Sa mga naunang pag-aaral, may indikasyon na ang taba sa tiyan ay mas mahalaga sa "aggressive prostate cancer" kaysa sa overall weight.

Gayunpaman, sinabi ni Perez-Cornago na natuklasan nila na "it doesn't seem to matter that much where the fat is located."

Hindi pa rin matiyak kung may direktang kinalaman ang obesity sa pagkakaroon ng prostate cancer, at kailangan pa ng karagdagang pag-aaral.

"To date, we don't know, because it is also possible that men with obesity may be diagnosed with prostate cancer at a later stage," anang dalubhasa.

"If they are diagnosed at a later stage, the tumor is likely to be more aggressive and they may be less likely to survive," dagdag niya.

Inihayag din ni Perez-Cornago may ilang dahilan kaya huli na kung makita na may prostate cancer ang overweight na lalaki.

"For example, if they start going to the toilet at night more often -- a classic symptom of prostate cancer -- they may be less likely to go to a GP," aniya.

Kapag isinailalim ang lalaki sa medical test, posibleng hindi makita ang molecule na magpapahiwatig ng cancer dahil ang mga obese na lalaki ay mas marami umanong dugo at naapektuhan ang ginamit na "sample."

Ang naturang pag-aaral ay pinondohan ng Cancer Research UK, ay iprinisenta sa European Congress on Obesity sa Netherlands. -- AFP/FRJ, GMA News