Tuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa babaeng binansagang "Poblacion Girl" dahil sa paglusot sa mandatory quarantine noong December 2021. Sabit din sa kaso ang security guard sa tinuluyan niyang hotel.

Sa resolusyon ng Makati City Prosecutor's Office na may petsang Abril 29, nakitaan ng "probable cause" o batayan para kasuhan si Gwyneth Anne Chua ng paglabag sa Section 9 ng Republic Act No. 11332.

Bunga ito ng hindi niya pagsunod sa patakaran na mandatory quarantine kaugnay ng COVID-19 pandemic nang dumating siya mula sa Amerika.

Sa halip na manatili sa itinakdang hotel, lumitaw na dumalo siya sa isang party at nagpositibo sa COVID-19 nang isalang sa medical test.

Kasama rin na kakasuhan si Esteban Gatbonton, isang security guard sa Berjaya Hotel, na tumulong umano kay Chua para makaalis sa quarantine facility.

Ibinasura naman ang mga reklamo laban sa mga magulang at nobya ni Chua. —FRJ, GMA News