Kinumpirma ng Kapuso star na si Pokwang na hiwalay na sila ng kaniyang nobyo na si Lee O'Brian, ama ng isa niyang anak.

Sa panayam ni Suzy Entrata sa GMA show "Unang Hirit, sinabi ni Pokwang na walong buwan na silang hiwalay ni Lee, isang American.

Nang kumustahin siya, sinabi ni Pokwang na, "OK na OK. Kasi maganda yung pagkakatapos."

"We're friends," dugtong niya.

Ayon kay Pokwang, abala siya sa pag-asikaso sa kaniyang mga anak.

“Hindi ka puwede mag-dwell sa past,” paliwanag niya.

Nitong nakaraang Biyernes nang ibalita ni Ogie Diaz sa vlog post na hiwalay na sina Pokwang at Lee.

Sa unang "Unang Hirit" ginawa ni Pokwang ang pagkumpirma sa naturang balita ni Ogie.

Nagkakilala sina Pokwang at Lee sa shooting ng pelikulang "EDSA Woolworth noong 2014.

Mayroon silang isang anak na si Malia, na apat na taong gulang na.

Bukod sa pag-asikaso sa kaniyang mga anak, busy rin si Pokwang sa mga proyekto sa GMA. Kabilang dito ang pagho-host ng “Tiktoclock,” kasama si Kuya Kim at Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo.

“Ang Tiktoclock, abangan niyo ‘yan, mula Lunes hanggang Biyernes, 11:15 a.m. ngayong July 25 na po ‘yan,” pag-imbita niya. — FRJ, GMA News