Inanunsyo kamakailan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aalisin ang 1.3 milyong mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kabuuang 4.4 milyong mga miyembro dahil hindi na sila maituturing na mahihirap. Ano nga ba ang pamantayan ng DSWD para isama o alisin ang isang benepisyado ng 4Ps?

Sa programang "Unang Hirit" nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Assistant Secretary Romel Lopez na ang isang taon nasa poverty line ay may sahod na P12,000 kada buwan pababa. Kaya naman "non-poor" o "graduate" na siya sa programa kapag nakahigit na sa nabanggit na halaga ang kaniyang kita bawat buwan.

Pangalawa, inaalis na rin ang mga benepisyado sa 4Ps kapag nakapitong taon na siya sa programa. Pati na ang mga magulang na wala nang anak na nasa edad 18-anyos pababa o pinag-aaral.

Kasama rin sa mga aalisin ang mga may violation o pagiging non-compliant sa mga kondisyon ng 4Ps, pati na rin ang mga nagwe-waive na ng kanilang karapatang maging benepisyado ng programa.

"Para po sa ating mga kababayan, hindi po minadali itong pag-aalis nitong 1.3 milyon na ating mga kababayan na beneificiary ng 4Ps. Para po sa non-compliant, aabutin ng isang taon ang proseso para po kayo ay maalis diyan," paliwanag ni Lopez.

"Para naman po sa mga ga-graduate o non-poor na o umayaw na sa programa, may minimum na six months ang aabutin para kayo ay maalis," dagdag pa niya.

Dahil dito, maaari pang umapela ang mga kababayan sa kanilang pagkatanggal sa 4Ps.

Ayon kay Lopez, posibleng madagdagan pa ng 600,000 ang 1.3 milyon na aalisin dahil sa kanilang pagiging non-compliant.

Inihayag ni Lopez na maaaring mailabas ang listahan ng mga naalis at nadagdag na benepisyaryo sa Setyembre o Oktubre.--FRJ, GMA News