Isang babae na bibili lang daw ng sabon ang hinipuan sa maselang bahagi ng katawan ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo sa Alitagtag, Batangas.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing 9:00 pm nang mangyari ang insidente sa Barangay Dominador West.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang rider na tumigil sa gilid ng daan at tila inabangan na dumaan sa tabi niya ang babae.

Nang makalapit sa kaniya ang babae, biglang hinawakan ng rider ang maselang bahagi ng katawan ng biktima.

Matapos na hawakan ang babae, mabilis na umalis ang rider.

Ayon sa kaanak ng babae, nagkaroon ng trauma ang biktima dahil sa mangyari.

Napag-alaman naman ng mga opisyal ng barangay na pabalik-balik na sa lugar ang rider bago pa man mangyari ang panghihipo.

Hinala nila, posibleng may iba pang masamang pakay ang rider tulad ng panghoholdap o pagnanakaw.

Hirap daw ang barangay na matukoy ang pagkakakilanlan ng rider dahil sa malabo ang kuha sa CCTV.

Nagdulot naman ng takot sa ibang residente ang nangyari.

"Nakakatakot nang maglakad sa kalsada nang gabi kasi napakadelikado. Buti kung ganun lang ang mangyari, eh kung hilahin pa. Pakakatakot po talaga," ayon sa residenteng si Marilyn Gonzaldo.--FRJ, GMA News